Pangulong Duterte, nangako ng ayuda at relokasyon para sa mga biktima ng landslide sa Naga City, Cebu

by Radyo La Verdad | September 24, 2018 (Monday) | 7913

Dinalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga biktima ng landslide sa Naga City, Cebu noong Biyernes. Personal na nakiramay ang punong ehekutibo sa mga naulilang pamilya at nangako ng tulong para sa kanila.

Bukod sa funeral, burial, at medical assistance mula sa lokal na pamahalaan, nagkaloob din ang tanggapan ng punong ehekutibo ng 20 libong piso sa bawat naulilang pamilya at 10 libong piso para sa mga nasugatan.

Inatasan din ng Pangulo ang Department of Health (DOH) na magkaloob ng medical assistance para sa mga biktima. Kung hindi aniya sasagutin ng mining companies ang gastusin sa ospital ng mga biktima, siya ang magbabayad nito.

Maging ang relokasyon para sa mga pamilyang naapektuhan ng landslide incident, ipinag-utos ng Pangulo sa National Housing Authority (NHA).

Muli namang nabanggit ni Pangulong Duterte na nais niya ring ipagbawal balang araw ang lahat ng mining operations sa ilalim ng kaniyang termino.

Una nang ipinag-utos ni Environment Secretary Roy Cimatu na ipatigil ang lahat ng small scale mining operations sa Cordillera Administrative Region matapos ang landslide sa Itogon, Benguet sa kasagsagan ng Bagyong Ompong.

At kamakailan lang, ipinatigil na rin nito pansamantala sa loob ng 15 araw ang lahat ng quarrying activities sa buong bansa matapos matabunan ng gumuhong lupa ang nasa 60 bahay sa Barangay Tinaan at Naalad sa Naga City, Cebu noong Huwebes dahil din sa pag-ulan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,