Pangulong Duterte, nanawagan sa mga Pilipino na isulong ang pagkakaroon ng tunay na malayang Pilipinas

by Erika Endraca | June 13, 2019 (Thursday) | 4047

MANILA, Philippines – Ipagdiwang kahapon (June 12) ang araw ng kasarinlan ng Pilipinas sa pangatlong pagkakataon sa ilalim ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

At sa kaniyang mensahe para sa ika-121 anibersaryo ng proklamasyon ng kalayaan ng bansa, nanawagan ang punong ehekutibo sa sambayanang Pilipino na isulong ang pagkakaroon ng tunay na malayang Pilipinas.

Kinilala rin ng punong ehekutibo ang pagsusumikap at kagitingan ng mga Pilipinong makabayan, bayani at mga martir upang makamit ang tinatamasa nating kalayaan.

Subalit ayon sa Pangulo, kailangang manindigan ang bawat mamamayan upang matiyak na hindi mapapasawalang kabuluhan ang sakripisyo ng ating mga ninuno.

Sa pamamagitan nito, makakamit natin aniya sa ating panahon ang pinapangarap na tunay na malayang bansa kung saan tinatamasa ng mga mamamayan ang tiwasay, matatag at maunlad na pamumuhay.

Sa kampo ng militar partikular na sa 6th Infantry battalion headquarters sa Barangay Matling, Malabang, lanao del Sur pinili ng punong ehekutibong gunitain ang 121st  Independence Day kahapon (June 12).

“We are at a crucial juncture in our nation’s history, and we need to learn from the lessons of our past if we are to [ensure] that these threats do not cause any more harm to the present and future generations of Filipinos. Let us all work together so we may preserve this gift of liberty that all our children deserve to inherit.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, sa kaniyang Independence Day message, sinabi naman ni Vice President Leni Robredo na dapat ay paghugutan natin ng lakas ang araw na ito upang harapin ang mga hamon na hinaharap at mapukaw ang isang malalim na pagmamahal sa bayan at maging paalala sa bawat isa kung ano ang kayang marating ng pagtutulungan ng sambayanan.

“Sa paggunita natin ngayon ng ating kasarinlan, sana ay balikan natin kung paano, bilang isang lahi, ay pinili nating sundin ang sarili nating landas, magtayo ng sarili nating gobierno at magtatag ng sariling estado.” ani Vice President Leni Robredo

“Ito ang pinaglaban ng mga nauna sa atin at ito na rin ang tungkuling iniiwan sa atin upang gampanan ang masigurong nabubuhay tayo sa isang Pilipinas kung saan umaangat ang bawat isnag mamamayan.”

Samantala, ayon naman kay House Speaker Gloria Arroyo mula sa paglaban para makamit ang kalayaan sa mga mananakop, ang paglaban naman para makamit ang kalayaan sa kahirapan ang kinakaharap namang ngayon ng bansa.

(Rosalie Coz | Untv News)

Tags: ,