Pangulong Duterte nakatakdang kumunsulta sa isang Neurologist Ngayong araw dahil sa pananakit ng gulugod

by Erika Endraca | October 23, 2019 (Wednesday) | 12080

METRO MANILA, Philippines – Pinaiksi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang pananatili sa Tokyo, Japan dahil sa pananakit ng spinal column nito o gulugod bunsod ng minor motorcycle accident nito noong nakalipas na Miyerkules (October 16).

Ngayong araw, nakatakda ang konsultasyon ni Pangulong Duterte sa isang neurologist ayon sa Malacañang. Kagabi (October 22), habang patungo sa airport sa Japan, upang pawiin ang agam-agam ng publiko hinggil sa kaniyang kalusugan, nag-facebook live ang kaniyang dating top aide at ngayo’y Senator Christoper Bong Go.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kinakailangang bumalik agad ng Pilipinas ang Pangulo dahil sa di kayang tiising sakit sa kaniyang spinal column malapit sa pelvic bone.

Sa mga larawang inilathala ni Senator Bong Go sa kaniyang social media, makikitang may hawak na tungkod ang Presidente habang naghahanda sa kaniyang pagdalo sa enthronement ceremony ng Japan’s Emperor Naruhito sa Tokyo Kahapon. Nakuhaan din ito ng larawan habang nakayuko at nakasandig ang ulo sa kaniyang tungkod.

Dahil sa pananakit ng gulugod, kinatawan na lang si Pangulong Duterte ng kaniyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa banquet ng emperor sa imperial palace kagabi. Muling namang tiniyak ng palasyo na walang dapat ipag-aalaala ang publiko sa pisikal na kalusugan at kalagayan  ni Pangulong Duterte. 

 (Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,