Nakapili na si Pangulong Rodrigo Duterte ng tatlong ekspertong bubuo sa Asian panel na mag-iimbestiga sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, sa susunod na linggo posibleng maglabas ng impormasyon ang Malacañang hinggil dito.
Sa araw ng Linggo, inaasahang balik bansa na ang Pangulo mula sa official visit sa mga bansang Israel at Jordan.
Una nang binanggit ng Malacañang na ang mga nirekomendang eksperto ay manggagaling sa mga bansang Vietnam, Thailand, Singapore at Sri Lanka.
Inaasahan namang magiging mabilis ang gagawing imbestigasyon ng mga ekspertong ito sa Dengvaxia controversy.
Samantala, nagpasalamat ang Health Department sa pagpasa ng Senado sa 1.161 bilyong piso na supplemental budget para tustusan ang pangangailangang medikal ng mga batang naturukan ng Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Secretary Duque, tinatayang nasa 900 libo ang mga naturukan ng Dengvaxia na karamihan ay mga bata.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )