Maraming pilipino pa rin ang nasisiyahan sa ginagawang pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia Research.
Sa hanay ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan, 82 porsyento ang nakuha niyang approval rating, pinakamataas sa lahat.
Sumunod sa kaniya si Senate President Aquilino Pimentel na nakakuha ng 62 percent, Vice President Leni Robredo na may 61 percent, Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na may 48 percent at ang huli ay si House Speaker Pantaleon Alvarez na may 43 percent.
Ayon naman sa Malakanyang, hindi lang ito bunga ng pamumuno ni Pangulong Duterte kundi ng pakikipagtulungan din ng mga ahensya ng pamahalaan.
Kaugnay nito, ipinagtanggol naman ni Secretary Abella ang Punong Ehekutibo matapos makatanggap ng pagtuligsa sa kaniyang pinakahuling binitiwang pahayag kaugnay ng rape.
Ayon sa opisyal, hindi ito biro kundi isang uri ng pang-uuyam.
Tiwala rin ang opisyal na naiintindihan ng publiko ang paraan ng pananalita ni Pangulong Duterte, dahilan upang manatiling mataas ang kaniyang approval rating.
Samantala, nagpapasalamat naman si Vice President Lenie Robredo sa patuloy na pagtitiwala sa kaniya ng mga pilipino.
Patunay lamang aniya ito ng pagkilala sa pagtatrabaho ng pangalawang pangulo sa mga nakalipas na taon.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)