Pangulong Duterte, nais palawigin ang martial law sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taong 2017

by Radyo La Verdad | July 18, 2017 (Tuesday) | 2597


Pormal nang isinumite ni Pangulong Rodrigo Duterte ang liham nito para kina Senate President Aquilino Pimentel III at House Speaker Pantaleon Alvarez na humihiling sa Kongreso na palawigin pa ang batas militar sa buong mindanao hanggang sa katapusan ng taon.

Kabilang sa seven-page proposal ng pangulo ang detalyadong summary report kung bakit nito gustong palawigin ng limang buwan pa ang martial law sa Mindanao.

Sa ika-22 ng hulyo, mapapaso ang 60-day period ng proclamation 2-1-6 o ang idineklarang martial law ng punong ehekutibo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, batay sa assessment ni Pangulong Duterte sa Marawi City at iba pang bahagi ng Mindanao, at sa rekomendasyong isinumite sa kaniya ng militar at pulisya, hindi pa masosolusyunan ang rebelyon sa Mindanao hanggang July 22.

Ito rin ang dahilan kung bakit ipinatawag ang isang Special Joint Session ng Kongreso sa batasang pambansa sa sabado, July 22 upang talakayin ang naturang panukala ng punong ehekutibo.

Gayunman, wala pang katiyakan ang Malakanyang kung personal na magtutungo ang pangulo sa naturang special session.

Nilinaw din ng Malakanyang na sariling proposal ni Pangulong Duterte na i-extend ang martial law ng limang buwan pa ngunit pinagbatayan ang assessment ng Government Security Forces sa Mindanao at ibang ulat na ibinibigay sa kaniya.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,