Pangulong Duterte, nais na iproklamang teroristang grupo ang New People’s Army

by Radyo La Verdad | November 20, 2017 (Monday) | 2341

Muling tinuligsa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga makakaliwang grupo lalo na ang New People’s Army o NPA dahil sa patuloy na aksyon ng karahasan ng mga ito kamakailan.

Kabilang na ang pagkadamay ng isang apat na buwang gulang na sanggol sa isang NPA ambush sa Bukidnon noong November 9.

Ayon sa punong ehekutibo, nais niyang gawing pormal o ianunsyo ang pag-uuri sa NPA bilang isang teroristang grupo at hindi na rebeldeng grupo. Ibig din nitong kasuhan ang lahat ng miyembro ng grupo na sangkot sa paghahasik ng karahasan tulad ng murder at arson. Sa Estados Unidos, simula 2002, ibinibilang na foreign terrorist organization ang CPP-NPA.

Sinisi rin ni Pangulong Duterte ang rebeldeng grupo sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Hinggil sa usapin pangkapayapaan, kinuwestyon niya rin ang grupo kung bakit pa sa kaniya nakikipag-usap ang mga ito kung itinuturing din aniya siyang pasista at tiwaling lider.

Sa huli, muling nagbabala ang chief executive na paiigtingin ang opensiba ng militar laban sa NPA at magkakaroon din aniya ng pagpapanagot maging sa mga grupong sumusuporta sa kanila.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

Tags: , ,