METRO MANILA – Oras na magkaroon ng bulto ng suplay ng Covid-19 vaccines sa bansa, at matapos nang mabakunahan ang mga health worker at senior citizens,
Susunod namang makakatanggap ng bakuna kontra Covid-19 ang mga mahihirap na Pilipino.
At nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng traveling unit o mga traveling vaccinator na sasadya sa bahay ng mga mahihirap upang mabakunahan sila.
“Ang order ko ngayon is, for the team to give you the vaccine traveling, at least merun, 5,6,7, marami tayong sasakyan, we will use all government assets, gagamitin natin ang lahat ng sasakyan ng gobyerno so ang priority would really be the squatters, and we go to the squatters area…walang pera, di maiwanan ang anak, isa lang ang hanapbuhay, “ ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, nagpahayag naman ng pangamba si Health Secretary Francisco Duque III kaugnay nito dahil mangangailangan ito ng maraming manpower.
“Ang problema lang po na nakikita ko po ngayon, yun po kasing mga, kung daldalhin ang bakuna sa kanila, kakailanganin po ng maraming magmomonitor for adverse effects following immunization, yan po ang important steps final step in the vaccination process” ani Department of Health Sec. Francisco Duque III.
Dagdag pa nito, sa kasalukuyan, may nakahanda nang 4500 fix vaccination sites sa buong Pilipinas kung saan maaaring i-monitor ang anumang side-effects pagkatapos ng inoculation.
Samantala, sa March 22 naman o sa Unang Linggo ng Abril, darating sa bansa ang nasa 979,200 doses ng Astrazeneca vaccines, ang pangalawang shipment galing sa Covax facility ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez.
Bukod pa ito sa donated 400,000 doses at procured one million does ng Sinovac vaccines na darating din ngayong buwan ng Marso.
Nirerekomenda naman nina Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar galvez kay Pangulong Duterte na gamitin na ang first batch ng Astrazeneca vaccines bilang first dose sa lahat ng health workers.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: COVID-19 Vaccine