Kinikilala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang joint statement ng government at NDF Peace Panel kamakailan hinggil sa kagustuhang maipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan ng magkabilang panig.
Ngunit ayon kay Presidential Spokesperson Undersecretary Ernesto Abella, nais ng pangulong matiyak na uusad ang peace talks, kaya dapat malinaw ang panuntunan nito maging ang kasunduan sa pagkakaroon ng tigil-putukan.
Dagdag pa ng Malakanyang, layon din nitong maiwasan pang lumawig ang mga conflict sa pagitan ng pwersa ng militar at mga rebeldeng komunista.
Wala pang timeline at kasalukuyang pa ring tinatalakay ng government at NDF Peace Panel kung kailan idedeklara ang kani-kaniyang unilateral ceasefire.
Matatandaang kapwa nagpahayag ang magkabilang panig ng kahandaan na itigil ang offensive mode bago ang nakatakdang resumption ng peace talks sa Abril.
Nananawagan naman ang Malakanyang sa publiko na muling magtiwala sa prosesong pangkapayapaan na itinataguyod ng administrasyon ni Pangulong Duterte.
Ipinauubaya na rin nitong muli sa liderato ng mga makakaliwang grupo kung papaano nito mahihikayat ang kanilang mga kasamahan partikular na ang armed wing nito sa mga mapapagkasunduan.
(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)
Tags: GPH, NDF Peace Panel, Pangulong Duterte, peace talks