Pangulong Duterte, nais hingin ang suhestyon ng publiko hinggil sa panukalang federal charter

by Radyo La Verdad | August 24, 2018 (Friday) | 6497

Upang mapalawig ang diskusyon at mapalawak ang kaalaman hinggil sa pederalismo, inanunsyo ng Malacañang na bukas ang pamahalaan na tumanggap ng suhestyon o feedback mula sa publiko para sa panukalang federal charter.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, maaaring sumulat o magsadya ang sinoman sa tanggapan ng punong ehekutibo upang iparating ang kanilang feedback hinggil sa binuong panukalang bagong Saligang Batas ng consultative committee (ConCom).

Kukunin din ang feedback ng publiko habang nagsasagawa ng road show hinggil sa federalism ang mga ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Ang makukuhang resulta ay isasama sa federal draft na ieendorso naman sa Kongreso.

Inamin naman ni Roque na kaya nais gawin ng Pangulo na kunin ang public feedback dahil sa mga ipinahayag na pagkabahala ng mga economic manager ng administrasyon sa posibleng maging epekto sa ekonomiya ng bansa ng pagbabago ng Saligang Batas at ng uri ng pamahalaan.

Gayunman, tiniyak naman ni Roque na desido pa rin si Pangulong Duterte na isulong ang pederalismo.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,