Pangulong Duterte, nais gawing libre ang Covid-19 testing sa bansa

by Erika Endraca | December 8, 2020 (Tuesday) | 1207

METRO MANILA – Iniulat ni Department Of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III kay Pangulong Rodrigo Duterte na dahil sa Executive Order number 118, nakapagtakda na ang gobyerno ng price cap ng Covid-19 testing sa bansa sa mga pampubliko at pribadong laboratoryo.

Nasa P4,500 – P5,000 ang halaga ng Reverse-Transcription -Polymerace Chain Reaction (RT-PCR) test sa mga private laboratories samantalang P3,800 naman sa mga public testing centers.

Subalit ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, nais niyang maging libre ang Covid-19 testing sa bansa.

Kaya inatasan nito si Health Secretary Francisco Duque III na pag-aralan kung maaari itong ipatupad sa susunod na taon.

“Tingnan ko kung may pera, magbili na lang tayo in all government hospitals or health centers, mabigay nating libre, free of charge, target 2nd quarter, if you can have a program where can review and look for the money” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, nais din ng Punong Ehekutibo na gamitin ang mga bakanteng hotels, inns at motels upang maging tuluyan ng mga Covid-19 patients.

Aniya, siya ang bahalang magbayad sa mga naturang establisymento kaugnay ng accommodation. Inatasan niya rin ang mga lokal na pamahalaan na ayusin ang arrangement kaugnay nito.

Oras namang maging tuluyan ng Covid-19 patients, hindi na tatanggap ang mga pasilidad ng ibang bisita. Ilang hotels at inns na sa bansa ang nagsilbi ng quarantine facilities sa mga balik-bayang mga pilipino.

“Arrange with the hotels na pwede munang gamitin lalo na sa panahong ito and to the owners of hotels, inns, motels maybe, pag kulang to accommodate Filipinos who are in need of help, i will assume the full responsibility of paying you” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: