Pangulong Duterte, nais buksan ang government television sa publiko

by Radyo La Verdad | March 13, 2017 (Monday) | 7811


Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na buksan sa publiko ang People’s Television Network o PTV 4.

Sa inagurasyon ng Cordillera hub ng istasyon sa Baguio City noong Sabado, sinabi ng pangulo na handa siyang bigyan ng airtime ang mga ordinaryong mamamayan upang maihayag ang kanilang mga hinaing sa pamahalaan.

Kabilang na rito ang rebeldeng New People’s Army at ang mga grupong nagsasagawa ng mga kilos protesta.

Maging ang moro rebels sa Mindanao ay bibigyan din ng pangulo ng pagkakataon na maihayag ang kanilang saloobin sa publiko sa pamamagitan ng government station.

Binigyang-diin din ng pangulo na wala siyang intensyon na gamitin ang istasyon bilang personal niyang public-relations agency.

Ngunit maaari naman aniya itong magamit ng mga opisyal ng pamahalaan na nahaharap sa mga isyu at pambabatikos upang maipagtanggol ang kanilang sarili at maipaliwanag ang kanilang panig.

Ayon sa punong ehekutibo, pera ng taong bayan ang ginagamit sa operasyon ng istasyon kaya nararapat lamang na magamit ito para sa kapakanan ng mamamayan.

(Grace Doctolero / UNTV Correspondent)

Tags: , ,