Pangulong Duterte, nagtalaga na ng 21 bubuo sa expanded Bangsamoro Transition Commission

by Radyo La Verdad | February 10, 2017 (Friday) | 1038


Kinumpirma ni Presidential Adviser On The Peace Process Secretary Jesus Dureza na nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang appointment papers ng 21 bubuo sa expanded Bangsamoro Transition Commission o BTC.

Ang BTC ang lupong inatasang bumuo ng bagong Bangsamoro Enabling Law o dating kilala sa tawag na Bangsamoro Basic Law.

Ang pagbuo sa Bangsamoro Enabling Law ay bahagi ng pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro na pinirmahan sa pagitan ng philippine government at Moro Islamic Liberation Front noong March 2014.

Ang BTC rin ang responsable sa pag-draft ng panukalang pag-amyenda sa saligang batas kung kinakailangan.

11 miyembro ang pinili at itinalaga ng MILF implementing panel, samantalang 10 naman ang galing sa panig ng pamahalaan kaya 21 ang kabuuang bilang ng BTC.

Una nang tiniyak ng pamahalaan na mga taong mahuhusay ang track record, may akmang kapasidad at may commitment para pakinggan ang lahat ng sektor na may kinalaman sa pagkakamit ng pangmatagalang kapayapaan sa mindanao ang kabilang sa pinalawig na BTC.

Tiniyak din ng pamahalaang magiging inclusive ang peace tables o mapapakinggan ang bawat sektor sa usapang pangkapayapaan na higit na apektado sa matagal nang armed conflict sa Mindanao.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: ,