Pangulong Duterte, nagbigay na ng direktiba na huwag pakawalan si Ex-Mayor Sanchez – Sen. Go

by Erika Endraca | August 27, 2019 (Tuesday) | 2702
PHOTO : Presidential Communication

MANILA, Philippines – Inutusan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na huwag pahintulutang makalabas ng kulungan ang convicted rapist at murderer na si Former Calauan-Laguna Mayor Antonio Sanchez, ayon kay Senator Christopher “Bong” Go.

Dagdag pa ng senador, pinag-aaralan mismo ni Pangulong Duterte ang Republic Act Number 10592 o ang batas na nagbibigay ng good conduct time allowance sa mga inmate.

Una nang binanggit ng Malacañang na para sa pangulo hindi karapat-dapat si Sanchez na mapabilang sa magbenepisyo sa good conduct time allowance sytem lalo na’t nasentensyahan ito dahil sa karumal-dumal na krimen.

“Pinaabot niya kila bucor Chief Faeldon at Sec. Guevarra para iparating sa kanila na hindi maaaring marelease ‘yan dahil pinag-aaralan po ni pangulo ang batas at nakalagay po dun sa tepublic 10592 na excluded ang heinous crimes.” ani Sen. Christopher “Bong” Go.

Si Senator Bong Go ang nagsabing nagalit ang presidente nang marinig ang ulat hinggil sa posibilidad ng early release kay Sanchez.

Samantala, ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, nakatanggap ito ng request mula sa palasyo na nagsasabing i-hold muna ang processing ng prison records ni Sanchez hangga’t di pa tapos ang masusing pag-aaral at pagresolba sa mga factual at legal issue.

“Ako rin po mismo sinabi ko na ‘wag ka na mangarap na lumabas diyan sa kulungan. Pagdusahan mo ang kasalanan mo diyan sa loob. Mr. Sanchez, pag lumabas ka iikli pa ang buhay mo. Kung mangangarap kang iikli ang iyong sentensya, mas iikli ang buhay mo. So diyan ka nalang sa loob.” ani Sen. Christopher “Bong” Go.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,