Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga business owner sa Palawan na sumunod sa patakaran kaugnay ng proteksyon sa kalikasan.
Ito ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga hotel at business owners sa Palawan sa pagbisita nito sa probinsya noong Sabado upang pangunahan ang Subaraw Festival.
Ito ay upang hindi aniya matulad ang kanilang lugar sa isla ng Boracay na kinailangang isara ng anim na buwan upang isailalim sa rehabilitasyon dahil sa naging kapabayaan ng mga hotel at resort owner na lumalabag sa environmental laws.
Payo ng Pangulo sa mga ito, sumunod sa batas. Dapat bantayan din na huwag magkaroon ng overloading sa mga pamosong tourist destination sa probinsya na siya rin aniyang naging problema sa Boracay.
Sa El Nido pa lamang, isa sa pinakapamosong tourist destination sa Palawan, tumataas ng 30 porsyento kada taon ang bilang ng mga turista na noong 2016 ay umabot sa mahigit dalawandaang libo batay sa tala ng Municipal Tourism Office.
Matatandaang matapos ang pagpapasara ng Boracay noong Abril ay nagsagawa rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng inspeksyon sa mga hotel at resort sa Palawan.
Nakapagpasara ang mga ito ng one hundred sixteen na establisyimento na lumabag sa environmental laws, kabilang na ang paglabag sa itinakdang meters easement zone.
( Andy Pagayona / UNTV Correspondent )
Tags: business owners, Palawan, Pangulong Duterte