Pangulong Duterte, nabisita na ang mga sundalo sa Marawi City sa ikatlong pagtatangka

by Radyo La Verdad | July 21, 2017 (Friday) | 3740


Alas dos ng hapon kahapon nang lumapag sa Kampo Ranao, Marawi City ang sinasasakyang chopper ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng paglulunsad ng assault ng tropa ng pamahalaan sa dulo ng Mapandi bridge na pinagkukutaan ng Maute-ISIS Group.

Kasama ng pangulo na nakasuot ng digital camouflage at jungle boots ang ilang cabinet members at si AFP Chief of Staff General Eduardo Año.

Ayon kay Año, bago lumapag ang sinasakyan ng pangulo ay mayroong namonitor na sniper shots na ang target ay ang landing zone area.

Aniya ipinapakita lamang nito na nakahanda nag commander-in-chief na itaya ang buhay upang mapuntahan at makumusta ang tropa sa oras ng kaguluhan.

Pagdating sa Marawi, ininspeksyon ni Pangulong Duterte ang nasa apat na raang firearms na nakumpiska sa mga kalaban mula ng magsimula nag Marawi crisis.

Nagsagawa rin ng security briefing kasama ang punong ehekutibo.

Bakas naman ang tuwa sa mga mukha ng sundalo na nagkaroon ng pagkakataon na makasama at makausap ang pangulo.

Binigyan pa sila nito ng gocery packs at may kasama pang relo.

Naging emosyonal naman ang pangulo habang nagsasalita sa harap ng mga sundalo.

Nais ng pangulo na maipakita ang kanyang pakikiisa sa tropa kaya niya pinilit na makapunta ng Marawi kahit dalawang beses na syang nabigo dahil sa masamang panahon.

Dakong ala singko naman ng hapon ng umalis sa war zone ang commander in chief.

(Rajel Adora / UNTV Correspondent)

Tags: , ,