Pangulong Duterte, naayos na ang gusot sa Kuwaiti government matapos ang kontrobersyal na rescue mission ng OFWs sa Kuwait

by Radyo La Verdad | April 25, 2018 (Wednesday) | 3702

Tuloy ang pirmahan ng kasunduan sa pagitan ng Philippine at Kuwaiti government para matiyak na mapapangalagaan ang kapakanan ng overseas Filipino workers (OFW) sa Kuwait.

Ito ang pagtitiyak ng Malacañang matapos ang isinagawang pagpupulong nina Pangulong Rodrigo Duterte at Kuwaiti Ambassador to the Philippines Saleh Ahmad Althwaikh, Lunes ng gabi sa Davao City.

Naging susi rin anila ang mabuting pakikitungo ng punong ehekutibo sa opisyal para maayos ang gusot sa pagitan ng dalawang bansa matapos ang kontrobersyal na rescue mission ng Philippine Embassy personnel sa ilang OFW sa Kuwait noong nakalipas na linggo.

Tiwala rin si Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na hindi hahantong sa pag-pull out ng ambassador ng Kuwaiti sa Pilipinas gayundin ng mga Philippine Embassy officials sa Kuwait ang nangyaring tensyon.

Sa pinakahuling pahayag naman ng tagapagsalita ng pangulo, sinabi nito na humingi ng paumanhin ang Pilipinas sa Kuwaiti government sa muling pakikipagpulong ni Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano kay Ambassador Saleh Ahmad Althwaikh.

Una nang ipinaunawa ni Pangulong Duterte sa Kuwaiti government na kinakailangang matiyak ng pamahalaan ng Pilipinas ang kapakanan ng ating mga kababayan.

Subalit tiniyak naman na nananatili ang Pilipinas na gumagalang sa soberenya ng Kuwait.

Tiwala ang pamahalaang mareresolba rin ang lahat ng usapin sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait sa lalong madaling panahon.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,