Pangulong Duterte, muling tiniyak ang suporta sa Sandatahang Lakas

by Radyo La Verdad | October 1, 2018 (Monday) | 1936

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isinagawang Donning of Ranks at Awarding Ceremony ng nasa dalawampung natatanging sundalo ng 401st at 402nd Brigade ng Philippine Army sa Camp Datu Lipus Makapandong, Prosperidad Agusan Del Sur nitong Sabado.

Kabilang sa mga parangal na natanggap ng mga ito military merit medal, gold cross medal, silver cross medal at silver wing medal.

Sa kanyang talumpati, kinilala ng Pangulo ang mga accomplishment ng mga sundalo sa pagpapasuko ng nasa limandaang mga communist rebel.

Gayundin ang partisipasyon nito sa pagkakasabat ng mga armas at pampasabog sa kampo ng mga kaaway at ng nasa labing isang milyong pisong halaga ng iligal na droga. Kasabay nito ay muling tiniyak ni Pangulong Duterte ang kanyang suporta sa Sandatahang Lakas.

Aniya, hindi niya iiwan ang mga sundalo kung sakaling maharap ang mga ito sa anomang kaso dahil sa pagtupad ng kanilang tungkuling sinumpaan sa bayan.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag ilang araw lamang mula ng ihayag nito na ilang sundalo ang nakikipagsabwatan sa oposisyon upang patalsikin siya sa pwesto.

Samantala, nagbigay naman ang Pangulo ng tig-isang daang libong piso bawat isang brigade dahil sa magandang performance ng mga ito kontra terorismo.

Nangako naman ang Pangulo na magbibigay ito ng mamahaling relo bilang pabuya sa mga sundalong magkakamit ng medal of valor sa hinaharap.

Matapos ang talumpati ng Pangulo ay dumiretso ito sa Philipline National Police Hospital sa Butuan City upang bisitahin si PO1 Ritchel Golandrina.

Nasugatan ito matapos atakehin ng mga NPA ang Station 5 ng Butuan City Police Office noong ika-18 ng Setyembre.

 

( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )

Tags: , ,