Handa siyang magbitiw sa pwesto. Ito ang muling hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung mapapatunayan lang ng mga nagpaparatang sa kaniyang mga anak na sangkot ang mga ito sa katiwalian. Partikular na tinutukoy ng Pangulo ang kaniyang anak na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte o kilala rin sa tawag na Pulong.
Nakaladkad ang pangalan ni Pulong sa kontrobersyang kinakaharap ng Bureau of Customs na smuggling ng 6.4 billion pesos na halaga ng shabu mula sa China. Ginawa ng Pangulo ang pahayag nang pangunahan nito ang inagurasyon sa Solar Philippines Factory sa Sto. Tomas, Batangas.
Ayon pa sa Pangulo, 18-taong gulang nang mag-asawa si Pulong ng isang Muslim. Ang hanapbuhay ng pamilya ng napangasawa nito ay nagtitinda ng mga jar at ukay-ukay.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit di maitatanggi na madalas sa pantalan si Pulong. Sa huli, muling nangako ang punong ehekutibo na di niya kukunsintihin ang katiwalian sa ilalim ng kaniyang termino.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)