Pangulong Duterte, muling bibisita sa China ngayong buwan

by Radyo La Verdad | August 5, 2019 (Monday) | 4929

Kinumpirma ng Malacañang na muling bibisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa China bago matapos ang buwan ng Agosto.

Gayunman, ayon kay Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, wala pang petsa ang naturang working visit ng Punong Ehekutibo.

Iba’t-ibang isyu rin ang posibleng matalakay sa muling pagpupulong nina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping kabilang na ang mainit na isyu sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

“It refers to discussion with the visiting country relative to issues that affect both, issues that will benefit both countries, issues of conflict, issues of cooperation, issues of support especially with respect to terrorism, to fighting drugs, cultural exchanges, people to people and financing, too,” ani Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel.

Nabanggit naman ng dating top Special Aide ng Presidente at ngayo’y Senator Bong Go na posibleng sa huling linggo ng Agosto ang biyahe ng Punong Ehekutibo sa China.

Maaari ring manood ng 2019 Fiba Basketball World Cup si Pangulong Duterte kung saan maglalaro ang koponan ng bansa na Gilas Pilipinas.

Ang naturang pagbisita ang ikalimang beses na pagpunta ng Pangulo sa China. Una ang state visit sa Beijing noong 2017.

Dalawang beses rin itong dumalo sa Belt One Road Forum noong 2017 at 2019, at ang Boao Forum for Asia noong nakaraang taon.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,