Pangulong Duterte, may babala vs NPA

by Radyo La Verdad | November 30, 2017 (Thursday) | 4500

Pinagsabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tauhan ng militar at pulisya na maging maingat dahil sa maigting na opensiba ng mga rebeldeng New People’s Army, ito ay matapos ang pormal na pagpapatigil ng pamahalaan sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag nang pangunahan nito ang send-off ceremony sa limang Vietnamese fishermen sa Sual, Pangasinan kahapon.

Bukod dito, ipinag-utos na nito sa militar at pulisya ang pagpuksa sa mga rebeldeng New People’s Army na mahuhuling naghahasik ng karahasan at paninira ng mga ari-arian.

Noong Martes, tatlong sundalo ang sugatan sa engkwentro sa ilang miyembro ng New People’s Army sa brgy. Aga at brgy. Kaylaway, Nasugbo, Batangas. Labinglima naman sa mga rebelde ang nasawi.

Samantala, muling nabanggit ng Pangulo ang napipinto nitong pagpapalabas ng kautusang magdedeklara sa NPA bilang teroristang grupo.

Sa pamamagitan nito, masasampahan ng kaukulang kasong kriminal ang mga ito.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,