Pangulong Duterte, makikipagpulong sa mga pamilya ng SAF 44 sa Malakanyang

by Radyo La Verdad | January 24, 2017 (Tuesday) | 1137

PRES.DUTERTE
Inanyayahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtungo sa Malakanyang ngayong araw ang mga kaanak ng 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force na nasawi sa Mamasapano clash noong January 25, 2015.

Una nang sinabi ng pangulo noong nakaraang linggo na nais nitong makausap sila ng personal.

Wala namang ibinigay na ibang detalye ang malakanyang kaugnay ng magiging pag-uusap.

Samantala, inaasahan namang magbibigay ng public statement si Pangulong Duterte mamayang hapon, isang araw bago ang ikalawang taon ng paggunita sa karumal-dumal na Mamasapano encounter.

Noong nakalipas na linggo, matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na isang kwestiyon ang bumabagabag sa kaniya kaugnay ng naturang operasyon.

Madaling araw nang January 25, 2015 nang ilunsad ang Oplan Exodus na layong hulihin ang international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.

Napatay ang terorista subalit nasawi naman ang SAF 44 sa pakikipagbakbakan sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Samantala, tiniyak naman ng malakanyang na magpapatuloy ang pagkamit ng hustisya para sa mga nasawing tauhan ng pulisya.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: ,