METRO MANILA – Papangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bagong opisyal ng Comelec bago ang deadline upang punan ang mga bakanteng pwesto nito matapos ang mandatory retirement ni COMELEC Chairman Sherrif Abas at mga commissioner nito na sina Antonio Kho Jr. at Rowena Guanzon.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles sa isang press briefing ng Palasyo nitong February 22, alam ng pangulo ang deadline ng pag-appoint sa mga bagong officer ng Comelec at kinakailangan itong dumaan sa legal at tamang proseso bago ito i-anunsiyo.
Dagdag pa niya, mayroon ng shortlist si Pangulong Duterte na uupo sa mga bakanteng puwesto kaya mainam aniya na hintayin na lamang ang anunsiyo ng pangulo sapagkat hindi pa alam kung kailan ang ekstaktong petsa upang ilabas ang mga bagong opisyal ng nasabing komisyon.
Nakasaad sa Omnibus Election Code na hindi maaaring mag-appoint ng mga bagong opisyal ang isang head, opisyal o appointing officer 45 days bago ang eleksyon liban na lamang kung may awtorisasyon ng Comelec at ang Pangulo lamang ang magtatalaga ng mga bagong opisyal ng Comelec sa ilalim naman ng Philippine Constitution.
(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)