Pangulong Duterte, magbibitiw sa pwesto kung mapatunayang siya ang nagtutulak na isangkot si Sen. Drilon sa PDAF scam case

by Radyo La Verdad | January 25, 2018 (Thursday) | 4970

Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senator Franklin Drilon na maglabas ng testigo upang patunayang may kinalaman siya sa pagdawit sa senador sa isyu ng  pork barrel scam.

Matapos ito na ihayag kamakailan ni pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles na tumanggap umano ng limang milyong pisong halaga ng campaign fund mula sa kaniya ang senador noong 2010 elections.

Ayon sa Pangulo, handa siyang magbitiw sa pwesto oras na mapatunayan ito.

Sinabi naman ng Liberal Party na nais lamang umanong ilihis ng administrasyon ang atensyon ng publiko sa mga isyu gaya ng pagtaas sa presyo ng bilihin at ang sobra umanong pagbibigay pabor ng adminitrasyon sa China sa usapin sa West Philippine Sea kaya nais nitong paimbestigahan si Drilon sa usapin ng PDAF scam.

Samantala, muling nagparinig ang Pangulo sa mga umano’y gumagamit ng hangar ng Ninoy Aquino International Airport pero hindi nagbabayad ng tamang upa.

Noong nakalipas na taon, nagbayad ng nasa anim na bilyong piso ang Philippine Airlines dahil sa mga backlog nito matapos magbabala ang Pangulong ipasasara ang NAIA Terminal 2 kung hindi nito babayaran ang mga obligasyon nito sa pamahalaan.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,