Pangulong Duterte, kuntento sa pagtugon ng mga ahensya at lokal na pamahalaan sa Taal volcano eruption

by Erika Endraca | January 15, 2020 (Wednesday) | 49808

METRO MANILA – Positibo ang pananaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kahandaan at ginawang pagresponde ng mga lokal na pamahalaan at government agencies sa pagaalburuto ng bulkang Taal.

Isang mabuting ulat din aniya na walang naiulat na casualty dahil sa nangyaring kalamidad. Ginawa ng Pangulo ang pahayag nang pangunahan ang situation briefing kagabi (Jan. 14) sa Batangas city.

“I am really very pleased, very happy that all agencies are here on hand and trying their best to do their best to help the community.”ani  Pangulong Rodrigo Duterte

Kaalinsabay nito, humingi ito ng paumanhin dahil sa di agad nakabisita sa mga apektadong lugar matapos madelay sa kaniyang flight noong Linggo (Jan. 12) ng gabi dahil sa matinding ashfall.

Tiniyak naman ng Pangulo na malalapitan ng mga lokal na pamahalaan ang mga miyembro ng kaniyang gabinete at iba pang ahensya ng pamahalaan sakaling kailanganin ang kanilang ayuda para matulungan ang kanilang mga nasasakupan.

Samantala, bumisita rin ang Pangulo sa higit 1,000 pamilyang inilikas dahil sa Taal volcano eruption at pansamantalang nanunuluyan sa Batangas Provincial Sports Complex sa Batangas City.

Namahagi ang Duterte administration ng pinansyal na ayuda sa bawat pamilya na P3,000 halaga, at food packs.

Sa kaniyang talumpati, pinayuhan niya ang mga residente na wag munang bumalik sa kanilang mga bahay dahil sa panganib ng matinding pagsabog ng bulkang Taal.

“Wala munang babalik doon hangga’t hindi magkalma ang panahon. nobody is allowed to go there, to go back until such time that you are safe.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Higit 30,000 mga residente na ng Batangas at Cavite ang inilikas dahil sa pag-aalburuto ng taal volcano simula pa noong Linggo (Jan. 12).

Nakataas pa rin sa Alert Level 4 ang Taal volcano na ibig sabihin ay posible ang mapanganib na pagsabog anomang araw.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,