Pangulong Duterte, kuntento sa paghahanda ng mga ahensya ng pamahalaan para sa Bagyong Ompong

by Radyo La Verdad | September 14, 2018 (Friday) | 2934

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isinagawang command conference kahapon sa operation center ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo.

Inalam ng Pangulo sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ang naging paghahanda ng mga ito para sa posibleng pananalasa ng Bagyong Ompong sa bansa.

Isa sa binigyang-pansin ng Pangulo ay ang magiging linya ng komunikasyon sakaling bumagsak ang signal ng mga telcos.

Aniya, dapat ay may iisang linya ng komunikasyon ang mga ahensya ng gobyerno upang madaling magkaintindihan at maipahatid ang mensahe sa isa’t-isa.

Sa kabuoan ng preparasyon, sinabi ng Pangulo na kontento sya sa ginagawang paghahanda ng bawat government agency.

Inatasan naman ng Pangulo ang mga miyembro ng kanyang gabinete na personal na i-check ang mga probinsya na nasa direktang daan ng Bagyong Ompong.

Sinabi rin ng punong ehekutibo na masyado pang maaga para humingi ng international aid.

Ngunit kung sakali aniyang maging matindi ang pinsala ng bagyo sa bansa ay posibleng kailanganin ang tulong ng ibang bansa.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, nasa 4.3 milyon na mga Pilipino sa mga lugar ng Cordillera, Region 1, 2 at 3 ang posibleng maapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Ompong.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

Tags: , ,