Pangulong Duterte kay CPP founder Joma Sison; ikaw ang comatose

by Radyo La Verdad | August 21, 2018 (Tuesday) | 3009

MANILA, Philippines – Personal na sinagot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pahayag ni Communist Party of the Philippines founder Jose Maria Sison na na-coma umano ang punong ehekutibo noong araw ng linggo.

Sa facebook live kagabi ni Special Assistant to the President Bong Go, pinakitang nasa isang dinner ang punong ehekutibo at sinabing maayos ang kaniyang kalusugan.

Una nang sinabi ni Sison na batay sa mga nakakita sa punong ehekutibo noong Sabado ng gabi sa event sa Davao City, nangingitim umano ang pisngi ng Pangulo at mabuway na ang paglakad maging ang pakikipagkamay nito.

Nagpatutsada naman si Pangulong Duterte kay Sison at sinabing ang CPP founder ang maysakit at panay ang pagpapaospital sa the Netherlands.

Ayon naman kay Alliance of Concerned Teachers Partylist Representative Antonio Tinio, upang tuldukan na ang lahat ng espekulasyon hinggil sa kalusugan ng Pangulo, dapat magkaroon ng full disclosure sa kalagayan ng kalusugan nito lalo na’t may karapatan umano ang publiko na malaman ito.

Subalit sagot naman ng Malacañang, hindi na ito kinakailangan dahil malinaw namang nakikita ng publiko ang kalagayan ng kalusugan ni Pangulong Duterte sa pamamagitan ng mga public engagement nito.

Inaasahang mananatili sa Davao City si Pangulong Duterte ngayong linggo at bibisita sa Cebu City mamayang gabi para sa conference ng League of Municipalities Visayas Cluster.

Sa Lunes pa inaasahang babalik ng Maynila ang Pangulo para sa National Heroes Day.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,