Pangulong Duterte, itinangging may kinalaman sa kanselasyon ng registration ng Rappler

by Radyo La Verdad | January 17, 2018 (Wednesday) | 3639

Hindi napigilan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagtanggol ang kaniyang sarili laban sa mga akusasyon na umano’y paglabag ng kaniyang administrasyon sa freedom of the press nang magdesisyon ang Securities and Exchange Commission na pawalang bisa ang registration ng Rappler News Organization.

Ayon sa punong ehekutibo, wala siyang pakialam sa naging desisyon ng SEC lalo na’t karamihan sa bumubuo nito ay hindi niya mga appointee. Binanatan din ng Pangulo ang mga media organization na umano’y ginagamit ng mga oligarch at elite upang siraan ang pamahalaan. Tinukoy ng Pangulo ang Rappler at Inquirer.

Nagbabala rin itong magsasampa ng kaukulang kaso sa mga may-ari ng media outlet na kinakikitaan ng paglabag sa konstitusyon.

Gayunman, kung siya naman ang tatanungin, itinuturing pa rin aniyang kaalyado ang karamihang media sa bansa.

Pinakiusapan niya lang ang mga mamamahayag na gawing may moderasyon ang pagtuligsa sa gobyerno sa pamamagitan ng pag-iwas na puntiryahin ang mismong pagkatao ng mga opisyal ng pamahalaan.

Oras ding mapatunayan aniya ang alegasyon ng korupsyon sa sinumang opisyal ng pamahalaan, ipinangako rin ng punong ehekutibo ang agarang dismissal nito.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,