Pangulong Duterte, isinisi sa Trump administration ang paglala ng inflation sa bansa

by Radyo La Verdad | September 10, 2018 (Monday) | 2610

Mula sa 5.7% noong buwan ng hulyo, umakyat ang inflation rate ng Pilipinas sa 6.4% noong Agosto, ito ang pinakamataas na naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa loob ng siyam na taon.

Malaki ang epekto sa inflation ng mataas na presyo ng bigas, isda, karne, gulay at langis sa pandaigdigang merkado.

Si Pangulong Rodrigo Duterte, isinisi ang mabilis ang antas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Pilipinas kay US President Donald Trump.

Dalawang beses itong sinabi ng Pangulo, una ay sa Filipino community meeting nito sa Jordan at pangalawa ay nang dumating ito sa Pilipinas noong Sabado mula sa official visits sa Israel at Jordan.

Ayon sa punong ehekutibo, naapektuhan ang inflation sa bansa dahil sa mga taripa o buwis na ipinapataw ni Trump sa mga trading partner nito.

Matatandaang tinatasan ni Trump ang taripang ipinapatong sa mga produktong inaangkat ng Amerika mula sa ibang bansa tulad ng European Union, Canada, Mexico at lalo na ang mga produktong nanggagaling sa China, dahilan ito upang taasan din ng ibang bansa ang kanilang taripa laban sa mga produkto ng Amerika.

Gayunman, ayon kay Pangulong Duterte, lahat naman ng naging Presidente ng Pilipinas ay naranasan ang suliranin sa inflation.

Nabanggit naman ng punong ehekutibo na ginagamit ng mga oposisyon ang usapin sa inflation laban sa kaniyang administrasyon.

Ito ay matapos na mapaulat na may binubuong oust Duterte movement para sa Oktubre 2018.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,