METRO MANILA – Upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19 sa bansa, pinalawig at pinaigting na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Community Quarantine hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong main Luzon island na.
Simula kaninang alas-12 ng madaling araw (March 16) , hanggang alas-12 ng hatinggabi ng April 13, 2020, ipinatutupad na ang “Enhanced Community Quarantine” at mahigpit na social distancing measures.
Lahat ng klase at school activities sa lahat ng antas ay suspendido hanggang April 14, 2020. Bawal na ang mass gatherings. Striktong ipatutupad ang home quarantine at bawal nang lumabas ng bahay.
Pinahihintulutan lamang ang isang miyembro ng pamilyang bumili ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng minsanan.
Inatasan naman ni Pangulong Duterte ang mga Barangay Captain na pangunahan ang pagbibigay ng food assistance sa kanilang mga constituent. Ipatutupad ang work from home arrangement at skeletal force.
“It will be an enhanced quarantine, during which the movement of everyone will be significantly limited. Work in public and private sectors shall be limited to a work-at-home arrangement. ”ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang mga pribadong establisyemento na mananatiling bukas ay ang mga nagkakaloob ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at gamot: mga palengke, supermarket, grocery, convenience store, ospital, medical clinics, botika, at iba pa. Sa mga establishment na ito, ipatutupad ang skeletal workforce at mahigpit na social distancing measures.
Magpapatuloy sa kanilang operasyon ang mga naghahanapbuhay sa business process outsourcing establishments at export- oriented industries subalit may kondisyong dapat na masunod tulad ng social distancing measures, at makapaghanda ng kinakailangang pansamantalang accommodation arrangement sa kanilang skeletal force.
Kinakailangan ding magpa-accredit ang mga media personnel sa presidential Communication Operations Office upang makabiyahe sa Luzon sa loob ng 72 oras.
Suspendido rin ang operasyon ng mass public transport. Lilimitahan ang land, air at sea travel.Magpapatuloy naman ang pagbiyahe ng mga cargo sa buong Luzon alinsunod sa guidelines ng Department Of Transportation (DOTR).
Pinahihintulutan din ang Land, Air at Sea travel ng mga uniformed personnel para sa official business at mga nagta-transport ng medical supplies at laboratory specimens kaugnay ng COVID-19 at humanitarian assistance.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department Of Labor and Employment (DOLE) sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang kagawaran ang bubuo ng mga programa upang bigyan ng ayuda ang mga pinakaapektadong mga manggagawa at mga residente sa buong Luzon.
Inaatasan din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gumawa ng hakbang upang maging mabilis ang distribusyon ng food assistance. Maaari namang masampahan ng kaukulang aksyon ang mga tahasang di susunod sa mga panuntunang ito.
“Obey the police and the military. Do not quarrel with them and do not start ruckus that would amount to a violation because you will be arrested and brought to prison — disobedience of authority, o baka nagkamali ako, then acts of public disturbance. You can be arrested. Sumunod lang kayo at wala tayong problema.’’ ani Pangulong Rodrigo Duterte
Araw-araw ding magpupulong ang inter-Agency Task Force For The Management Of Emerging Infectious Diseases at iba pang ahensya ng pamahalaan ay magpupulong araw-araw upang pag-aralan at i-review ang mga hakbang na ito.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Covid-19