Pangulong Duterte, ipinarating sa Chinese ambassador ang suliranin ng mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough Shoal

by Radyo La Verdad | June 12, 2018 (Tuesday) | 8693

Kasabay ng pagdiriwang ng kasarinlan ng Pilipinas, sinamantala ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipaabot ng personal ang suliranin ng mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough o Panatag Shoal sa kinatawan ng China sa bansa.

Bago pa man dumating si Pangulong Rodrigo Duterte sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite, mapapansin na ang seryosong pag-uusap nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua.

Pagdating ng pangulo, sumalubong din ang Chinese ambassador sa kaniya at mapapansin ang ilang minutong pag-uusap ng dalawa.

Ayon sa Chinese official, binuksan ni Pangulong Duterte sa kaniya ang usapin sa suliranin ng mga mangingisda sa Scarborough Shoal.

Bagaman kinumpirma ng Chinese official na umiiral ang barter system sa Scarborough, ‘di naman pinahihintulutan ang pamumuwersa o sapilitang pagkuha ng mga huling isda.

Kinumpirma din ng Chinese foreign ministry ang ginagawang imbestigasyon laban sa mga Chinese coast guard.

Oras na mapatunayan ang alegasyon, handa ang mga otoridad ng China na parusahan ang mga nagkamali nilang mga tauhan.

Marami ang bumabatikos sa umano’y pagwawalang bahala ng pamahalaan sa mga insidenteng ito sa pinagtatalunang teritoryo ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

Gayunman, desidido ang pamahalaan ng dalawang bansa na ipagpatuloy ang magandang ugnayan sa kabila ng mga kontrobersya.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,