Pangulong Duterte, ipinag-utos sa PNP na alisin sa kalsada ang menor de edad na tambay bilang proteksyon sa mga ito

by Radyo La Verdad | June 26, 2018 (Tuesday) | 6027

Sa pamamagitan ng prinsipyo na “parens patriae” {pahrens patri-yih} o parent of the country na nagbibigay ng karapatan sa estado na protektahan ang mga indibidwal na walang kakayanang gawin ito para sa kanilang sarili.

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isailalim sa kustodiya ang mga menor de edad na umano’y tambay sa mga lansangan.

Ayon sa Pangulo, ito ay para sa proteksyon ng mga kabataan. Ngunit paglilinaw ng Pangulo, hindi ito pag-aresto dahil sa paglabag sa batas kundi ilalagak lamang ang mga kabataan sa magdamag sa isang ligtas na lugar.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa kanyang talumpati sa oath-taking ng mga bagong barangay official ng Northern Mindanao na isinagawa sa Cagayan de Oro City.

Ito ay sa kabila ng mga nauna nang pagbatikos ng iba’t-ibang grupo at indibidwal sa direktiba ng Pangulo na alisin ang mga tambay sa mga lansangan.

Ayon pa sa Pangulo, ang pag-aalis ng mga tambay sa mga lansangan ang makapagliligtas sa bansa sa mga kasamaan.

Muli ring binanggit ni Pangulong Duterte ang kanyang pangako na hindi pababayaan ang mga pulis na makakasuhan dahil sa pagsunod sa kanyang mga direktiba.

 

( Weng Fernandez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,