Pangulong Duterte, ipinag-utos ang pagtugis sa mga kumpanyang nagpapatupad ng maigsi at paulit-ulit na kontrata sa mga empleyado

by Radyo La Verdad | April 20, 2018 (Friday) | 3362

Nagbigay ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte kay Labor Secretary Silvestre Bello III na magsumite ng report kung aling mga kumpanya ang nagpapatupad o hinihinalang engaged sa labor-only contracting.

Ito ang mga kumpanyang nagpapatupad ng maigsi at paulit-ulit na kontrata sa pagkuha ng mga manggagawa na kilala rin sa tawag na “cabo” at 5-5-5 scheme.

30 araw ang ibinigay ng pangulo sa DOLE upang maisumite ang ulat sa Office of the President.

Inaatasan din ang National Labor Relations Commission na makipag-ugnayan kay Secretary Bello at magsumite ng ulat kaugnay ng direktiba.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, bahagi pa rin ito ng campaign promise ni Pangulong Duterte.

Kahapon, sinabi ng Malacañang na wala nang inaasahang executive order kontra kontraktwalisasyon na ilalabas si Pangulong Duterte bago ang Mayo uno o Labor Day.

Ayon kay Roque, nasa Kongreso na nakasalalay ang pagpapasa ng panukalang batas na tuluyang magpapatigil sa lahat ng uri ng endo o kontraktwalisasyon sa bansa.

Posibleng i-certify as urgent naman ni Pangulong Duterte ang mga panukalang batas kaugnay dito para mapabilis ang pag-usad nito sa Kongreso.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,