Pangulong Duterte, ipinag-utos ang paggagawad ng medal of valor sa lahat ng SAF 44

by Radyo La Verdad | January 25, 2017 (Wednesday) | 1134

PRES.DUTERTE2
Pare-pareho ang hiling ng mga naulila ng SAF 44 na nasawi sa madugong Mamasapano incident dalawang taon na ang nakakalipas.

Ang makamit ang mailap na hustisya sa likod ng pagkakapaslang sa kanilang mga mahal sa buhay, mga pangakong benepisyong hindi pa naipagkakaloob para sa mga naulilang kaanak at pagtiyak na pananagutin ang sinomang sangkot sa kwestiyonableng operasyon na Oplan Exodus.

Subalit bukod dito, nais din nilang mapagkalooban ng medal of valor ang lahat ng SAF 44.

Sa ilalim ni dating Pangulong Noynoy Aquino, dalawa pa lang sa fallen 44 ang ginawaran ng medal of valor o medalya ng kagitingan.

Kaya naman iniatas na ni Pangulong Rodrigo Duterte kay PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na tapusin ngayong buwan ang pagaasikaso sa mga kinakailangan upang maibigay din sa iba pang nasawing SAF member ang parangal para sa kanilang kagitingan.

Ang medalya ng kagitingan ang pinakamataas na parangal na maaring makamit ng isang tauhan ng pambansang pulisya.

Ang anak ng isang medal of valor awardee ay tatanggap ng educational scholarship grants samantalang may 20 thousand lifetime monthly pension naman para sa kaniyang naulilang pamilya.

(UNTV News)

Tags: ,