Pangulong Duterte, inutusan si Vaccine Czar na ituloy ang plano kaugnay ng pagbili ng Covid-19 vaccines

by Erika Endraca | January 19, 2021 (Tuesday) | 1518

METRO MANILA – Binilinan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vaccine Czar at Chief Implementer ng National Task Force kontra Covid-19 na ipagpatuloy ang mga hakbang nito sa procurement ng Covid-19 vaccines ng gobyerno.

Sa gitna ito ng pagdinig ng kongreso sa vaccination program ng pamahalaan at pagkwestyon ng mga kritiko ng administrasyon sa efficacy rate at presyo ng Covid-19 vaccines na likha ng China’s Sinovac Biotech.

“I’m telling now gen. Galvez, yung game plan niya, sundin niya. With or without the investigation, proceed and implement what we plan to do.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Inihayag naman ng punong ehekutibo na bago pa tumindi ang pandemiya, pinakiusapan na niya si Chinese President Xi Jinping kaugnay ng Covid-19 vaccines at nangako itong hindi kalilimutan ang Pilipinas.

Kamakailan, nangako ang China na magkakaloob ng libreng 500,000 doses ng bakuna sa bansa.

“Long before na pumutok ‘to tumawag na ako kay President Xi jinping. Tapos sabi ko wala kaming resources, we do not know how to make it. Please do not forget the Philippines.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Pagtitiyak naman ng Presidente, dadaan sa pagrepaso niya at ni Finance Secretary Carlos Dominguez bago maisapinal ang pricing at papeles kaugnay ng Covid-19 vaccine procurement.

Nanindigan naman ang presidente na hindi maaaring ihayag sa publiko ngayon ang presyo ng Sinovac vaccine dahil ito ang nakasaad sa kontrata.

Tinuligsa din ng pangulo ang mga naghihinalang may korupsyon sa vaccine deals ng pamahalaan.

Samantala, muli namang iginiit ng presidente na walang sapilitan sa vaccination program ng pamahalaan at hindi pinipigilan ang mga may kakayanang bumili ng gusto nilang brand ng Covid-19 vaccine.

Tila nagpasaring din ang presidente sa mga ayaw sa Sinovac vaccine at gusto ang bakunang likha ng Pfizer.

Kamakailan, napaulat na may 23 senior citizens na may mga sakit ang nasawi sa Norway matapos na mabakunahan ng Pfizer Covid-19 vaccine.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: