Pangulong Duterte, iniutos ang pagbuo ng Presidential anti-corruption commission

by Radyo La Verdad | October 6, 2017 (Friday) | 2898

Magkakaroon na ng Presidential Anti-corruption Commission na mag-iimbestiga sa mga reklamong administrabo partikular na ang graft at corruption charges laban sa mga presidential appointees.

Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo nito sa pamamagitan ng Executive Order No. 43. Malilipat sa komisyong ito ang mga gawain at kapangyarihan ng dating Presidential Anti-Graft Commission.

May kapangyarihan ang Presidential Anti-Corruption Commission na mag-imbestiga at kumalap ng mga impormasyon at ebidensya gaya ginagawa ng Office of the Ombudsman laban sa mga presidential appointees sa executive branch na sinampahan ng administrative charges.

Bukod dito, kung ipag-uutos ng Pangulo, may kapangyarihan ang komisyon na magsagawa ng life-style check at fact-finding inquiries sa mga gawain ng presidential appointees. Hindi lang sa ilalim ng executive branch, kundi maging sa mga opisyal ng ibang sangay ng pamahalaan.

Matapos ang kanilang imbestigasyon, magsusumite ito sa Pangulo ng ulat at rekomendasyon kabilang na ang administrative penalty. Bubuuin ang komisyon ng isang chairman at apat na commissioners na karamihan ay dapat kasapi ng Philippine Bar at may law practice sa Pilipinas ng hindi bababa sa limang taon. Ang pangulo ang magtatalaga sa mga ito.

Una nang nabanggit ni Pangulong Duterte na nais niyang bumuo ng komisyon na magsisiyasat sa mga sinasabing katiwalian ng ilang kawani sa Office of the Ombudsman.

Nilinaw naman ni Executive Secretary Salvador Medialdea na may karapatan ang Pangulong magsagawa ng lifestyle check sa mga political appointees, subalit ang pagdidisiplina sa mga independent constitutional officers tulad ng Ombudsman at Judicial officials ay hindi nito pakikialaman.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

Tags: , ,