MANILA, Philippines – Iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabalik ng operasyon ng Lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kagabi (July 30).
Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo batay sa abiso ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Ayon kay Medialdea, walang nakitang anomalya ang mga imbestigador sa operasyon ng lotto at nanatiling nasusunod naman nito ang mga alituntunin sa kanilang operayon.
Subalit ang operasyon ng iba pang PCSO games gaya ng Small Town Lottery (STL), Keno at Peryahan ng Bayan ay nanatiling suspendido habang iniimbestigahan pa ang mga iligal na gawain at korupsyon.
Ayon pa kay Secretary Panelo, maari ng ituloy kaagad ang operations ng franchise holders at operators ng lotto.
Samantala, nagbigay naman ng direktiba si PNP Chief Police General Oscar Albayalde sa lahat ng unit ng PNP na bisitahin ang mga lotto outlets at tumulong sa pag alis ng mga karatula na inilagay ng PNP.
Matatandaang noong Biyernes, July 26 ay ipinatigil ni Pangulong Duterte ang operasyon ng lahat ng PCSO games dahil sa malawakang korupsyon sa ahensya.
(Bernard Dadis | Untv News)