Pangulong Duterte, inatasan ang DOTr na obligahin ang mga PUV operator na gamitin ang PITX

by Radyo La Verdad | November 6, 2018 (Tuesday) | 3883

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nanguna sa opisyal na pagbubukas kahapon ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na nasa Coastal Road, Baclaran.

Bago ang kanyang talumpati, naglibot sa bagong terminal ang Pangulo upang makita ng personal ang makabagong pasilidad ng PITX.

Sa kanyang speech, sinabi ng Pangulo na ikinamangha niya ang aniya’y world class na disenyo ng terminal.

Kaugnay nito, inatasan ng Pangulo ang Department of Transportation (DOTr) na obligahin ang mga public utility vehicle (PUV) na gamitin ang PITX.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, malaki ang benepisyong idudulot ng terminal sa halos dalawang daang libong mga commuters kada araw sa naturang ruta.

Binansagang landport ang PITX dahil kahawig ito ng airport.

Tampok dito ang iba’t-ibang state of the art facilities at magbubukas rin ng mga business establishment sa loob ng terminal.

Ang PITX ay isang public private project ng DOTr katuwang ang Megawide Corporation.

Ayon sa DOTr, malaki ang natipid ng pamahalaan sa naturang proyekto dahil hindi na sisingilin ng Megawide ang annual grantors fee na nagkakahalaga ng isang daang milyong piso.

Bukas magsisimula na ang dry run ng operasyon ng PITX at inaasahang magtutuloy-tuloy na sa mga susunod na linggo ayon sa DOTr.

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,