Pangulong Duterte, inaming sumailalim sa ilang medical procedures

by Radyo La Verdad | September 24, 2018 (Monday) | 6201

Napapanahon sa okasyon na kaniyang pinuntahan sa Cebu City noong Biyernes ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa kaniyang kalusugan.

Sa isang pagtitipon ng gastroenterologists o mga eksperto sa medisinang may kinalaman sa digestive system, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumailalim siya sa ilang medical procedures isang linggo na ang nakalilipas.

May kinalaman aniya ito sa kaniyang sakit na barrett’s esophagus, kilala rin sa tawag na gastroesophageal reflux disease o sakit na nakakaapekto sa daluyan ng pagkain. Nakuha aniya ang sakit na ito sa pag-inom ng alak at paninigarilyo.

Inamin din ng Pangulo ang iba pa niyang suliranin sa kalusugan tulad ng constipation na namana rin aniya ng kaniyang anak na si Sebastian.

Bukod sa barrett’s esophagus, may suliranin din ang punong ehekutibo sa kaniyang gulugod matapos maaksidente sa kaniyang motorsiklo.

Hindi nito itinatanggi na nakakaranas siya ng perpetual pain o walang tigil na pananakit ng kaniyang gulugod.

Una na ring sinabi ni Pangulong Duterte na tutol din ang kaniyang partner na si Honeylet Avanceña, isang nurse na ipa-opera ito dahil sa posibilidad ng complications.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,