Pangulong Duterte, inaming may iniindang sakit sa kanyang spine o gulugod

by Radyo La Verdad | December 14, 2016 (Wednesday) | 1461

pres-duterte-2
Bukod sa migraine at buerger’s disease, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon pa siyang iniindang sakit sa kaniyang spine o gulugod.

Hindi niya aniya ito pinaoopera dahil ayaw rin ng kaniyang common law partner na si Cielito Honeylet Avancena.

Bagaman, aminado si Pangulong Duterte na gumagamit siya ng painkiller para sa pasyenteng may cancer, itinanggi naman nitong mayroon siyang ganitong uri ng karamdaman.

Samantala, wala namang dapat ikabahala ang publiko hinggil sa kalusugan ng pangulo ayon sa Malakanyang.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Undersecretary Ernesto Abella na hindi seryoso ang spinal issues ng pangulo.

Ilang beses napaulat na masama ang pakiramdam ng pangulo kaya hindi ito nakakadalo sa mga international engagement.

May isang pagkakataon ding napaulat na nag-collapse o hinimatay ang pangulo sa Malakanyang bagaman pinabulaanan ito ng Presidential Communications Office.

Batay sa Article VII Section 12 ng 1987 constitution, dapat ipabatid sa taumbayan ang kalagayan ng kalusugan ng pangulo kung magkasakit ito nang malubha.

Hindi rin dapat pagkaitang makalapit sa pangulo ang miyembro ng gabinete sa national security at foreign affairs at ang AFP Chief of Staff sa panahon ng gayong pagkakasakit.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: ,