Pangulong Duterte, inamin na si SolGen. Calida ang may inisyatibo sa pagpapawalang-bisa ng amnesty ni Sen. Trillanes

by Radyo La Verdad | September 10, 2018 (Monday) | 4460

METRO MANILA, Philippines – Sa kanyang pagbabalik-bansa noong Sabado mula sa pagbisita sa mga bansang Israel at Jordan, inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Solicitor General Jose Calida ang may inisyatibo na ipawalang bisa ang amnestiya ni Sen. Antonio Trillanes IV.

Lunes nang ilabas ng Malacañang ang Proclamation No. 572 na nag-rerevoke ng amnesty ng senador na ipinagkaloob noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III kaugnay ng mga kaniyang mga kasong mutiny at rebellion. Void o walang bisa umano ito dahil sa hindi pagsunod ni Trillanes sa requirements.

Sa kanyang pagharap sa media sa Davao City International Airport, sinabi ng Pangulo na hindi niya ito matatanggihan si Calida lalo na kung mayroong matibay na ebidensya.

Sinabi rin ng Pangulo na bahala na ang Korte Suprema na magdesisyon kung ipawalang-bisa o papaboran ang kanyang proklamasyon.

Nanindigan din ang Pangulo na hindi niya pinag-iinitan o tina-target si Sen. Trillanes.

Itinanggi rin nito ang mga haka-haka na bahagi ito ng umano’y mas malaking plano upang patahimikin ang kanyang mga kritiko.

 

( Janice Ingente / UNTV Correspondent )

Tags: , ,