Tinuldukan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga haka-haka sa kalagayan ng kaniyang kalusugan.
Sa isang biglaang media interview sa Malacañang kagabi, sinabi nitong wala siyang sakit na cancer matapos mag-negatibo ang resulta sa kaniyang biopsy.
Ang biopsy ay isang medical procedure na isinasagawa upang malaman kung may cancer cells o wala sa pamamagitan ng pagkuha ng tissue sample.
Gayunman, lumala aniya ang sakit niyang barrett’s esophagus dahil bumalik siya sa kaniyang bisyo na pag-inom ng alak.
Nang tanungin naman kung nais siyang ihayag sa publiko sa hinaharap sakaling magkaroon siya ng seryosong suliranin sa kaniyang kalusugan, sinabi nitong ang gabinete ang may tungkuling gumawa nito.
Pinabulaanan din ng punong ehekutibo ang ulat na nagpunta siya ng Hong Kong para magpa-medical check-up.
Pumunta lang aniya siya doon para magpahinga at bumili ng pantalon at shirts dahil tumataba na siya.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: cancer, Malacañang, Pangulong Duterte