Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi isang krimen ang pagtambay. Dumipensa rin ang punong ehekutibo na hindi niya ipinag-utos ang pag-aresto sa mga ito.
Ayon sa pangulo, ang sinabi niya noong ika-13 ng Hunyo sa kanyang talumpati sa Malakanyang ay ang pagpapauwi sa mga tambay.
Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng 2018 National ICT Summit sa Davao City noong Biyernes, tinuligsa ni Pangulong Duterte ang kanyang mga kritiko at sinabihang hindi nakikinig ang mga ito.
Matatandaang umani ng mga batikos ang umano’y pag-uutos ng pangulo na hulihin ang mga tambay dahil hindi naman ito labag sa batas kundi paglabag sa karapatang pantao.
Lalo pang uminit ang pagbatikos sa pangulo ng masawi sa kulungan ang isang naaresto umanong tambay na si Genesis “Tisoy” Argoncillo matapos na bugbugin ng nakasama nito sa selda.
Ayon kay Senator Richard Gordon, ang chairman ng Senate Justice and Human Rights Committee at isa sa mga tumututol sa operasyon kontra tambay ng PNP, umabot na sa 7,300 ang naarestong indibidwal mula ng ipatupad ang anti-loitering operation sa Metro Manila.
( Janice Ingente / UNTV Correspondent )
Tags: Davao City, Pangulong Duterte, tambay