METRO MANILA – Sa harap ng mga tauhan ng militar sa Jolo, Sulu kahapon (July 14) ibinida ni Pangulong Rodrigo Duterte na nalansag niya ang olikarkiya sa bansa na nananamantala sa kanilang political power.
Ayon sa Pangulo mas magiging madugo pa ang kanyang kampanya laban sa mga oligarchs sa natitirang dalawang taong panunungkulan sa Malakanyang.
“Kaya ako mamatay, mahulog ‘yung eroplano, p***** I**, I am very happy. Alam mo bakit? Sabi ko without declaring martial law, I dismantled the oligarchy that controlled the economy of the filipino people.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Nilinaw ng Malacañang, na wala namang tinutukoy na tao ang Presidente kundi ang mga dati na niyang mga tinuligsa partikular na ang di nagbayad ng utang sa pamahalaan at may kwestyonableng kontrata sa pamahalaan.
Tahasan ding sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi ang Lopez na may-ari ng ABS-CBN Corporation ang tinutukoy na oligarchs ng Punong Ehekutibo dito.
“He must be referring to oligarchs which he named and actually threatened to destroy but he reconsidered matapos po unang-una si Lucio Tan, nagbayad ng pagkakautang sa airport, pangalawa, MVP at Ayala Group po dahil sa matindi nilang pagtulong sa panahon ng COVID”ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
Samantala, tinuligsa naman ni Senator Kiko Pangilinan ang naging pahayag ng Presidente at sinabing gawa-gawa lang ang problema sa oligarchs, upang linlangin ang publiko dahil wala umanong magandang resulta sa laban kontra COVID-19.
Itinanggi naman ng palasyo na may sariling grupo ng oligarch na sinusuportahan ang Presidente.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: oligarkiya, Pangulong Duterte