Magsisimulang mangampanya si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang mga senatorial bets pagkatapos ng ika-25 ng Disyembre.
Ayon sa Pangulo, ilalatag niya sa publiko ang listahan ng kaniyang mga napiling kandidato para sa May 2019 midterm national elections.
Tiniyak naman nitong ikakampanya niya ang pinaniniwalaan niyang mga hindi sangkot sa katiwalian, may angking galing at katapatan.
Iginiit naman ng punong ehekutibo na hindi niya pipiliting tanggapin ng mga tao ang mga irerekomenda niyang iboto.
Gayunman, nagpayo rin ito sa mga hindi aniya karapat-dapat suportahan ng mga tao.
Sa huli, muli ring pinaalalahanan ng punong ehekutibo ang mga tauhan ng militar at pulisya maging ang kaniyang mga miyembro ng gabinete na huwag makilahok sa pangangampanya.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: May 2019 midterm national elections, Pangulong Duterte, senatorial bets