Pangulong Duterte, hindi nakadalo sa Nat’l Heroes’ Day celebration sa Taguig City dahil sa masamang pakiramdam

by Radyo La Verdad | August 26, 2019 (Monday) | 1551

Masama ang pakiramdam ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya hindi nakadalo sa National Heroes’ Day celebration.  

Ayon kay Senador Christopher Bong Go, wala namang dapat ipangamba sa kalusugan ng Pangulo dahil pangkaraniwang sama ng pakiramdam lang ito at tuloy pa rin sa kaniyang working visit sa China sa Miyerkules hanggang Linggo. Marami lang aniyang naging trabaho ang Pangulo nitong mga nakalipas na araw at puyat din sa private meetings kabilang na ang pakikipagpulong kay Moro National Liberation Front Chair Nur Misuari.

Dagdag pa ni Senator Go, “He’s indisposed, 74 years old na po si Pangulo, kailangan niya ring magpahinga, magkasama pa kaming kaninang madaling araw, 4 ng umaga, gayunman, nakatakdang dumalaw ang Punong Ehekutibo sa burol ng isang nasawing sundalo sa Calbayog ngayong araw.”

Kumatawan naman kay Pangulong Duterte sa naturang event si House Speaker Alan Peter Cayetano.

Sa opisyal na mensahe ni President Duterte para sa pambansang araw ng mga bayani, ipinahayag nitong hindi lang sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga rebulto ang maaaring magawang pagkilala sa mga Bayaning Pilipino kundi sa pamamagitan ng pag-aangat ng kapakanan ng mga mahihirap at marginalized na mga kababayan.

Hinikayat din ng Pangulo ang bawat isa na magkaisa sa pagsusulong ng positibong pagbabago para sa lahat at mga susunod na henerasyon.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,