METRO MANILA – Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na di siya makikipag-usap o makikipag-areglo sa mga water concessionaires na Maynilad at Manila Water kung di makakaharap ang mga nasa likod ng pagbuo ng 1997 Water Concession Agreements.
Ayon sa Punong Ehekutibo, maituturing itong plunder o pandarambong.
Ginawa ng Punong Ehekutibo ang pahayag sa oath-taking ng mga newly appointed generals at flag officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at star rank officers ng Philippine National Police (PNP) sa Malacañang Kahapon (Dec. 09).
“Kaya gusto ko silang makausap. Hindi ito maaregluhan ng hindi ko makausap ‘yung mga concessionaire at saka ‘yung gusto ko harap ang abugado ng gobyerno na p***** i**** naggawa nitong kontratang ito.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon pa sa Pangulo, di dapat pumayag ang mga pulis at sundalo na di mabawi ng pamahalaan ang bilyong-bilyong pisong halagang siningil ng mga water concessionaire na ito sa taumbayan.
Partikular na ang corporate income tax para sa mga umano’y wastewater treatment facilities na di naman umiiral.
“Kaya ang hingiin ko sa military pati pulis — you are one of the pressure group in a democracy, the other one are the congress…pero huwag kayong pumayag na hindi marekober ng bayan ang ninakaw nila.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang napaulat na nais makipag-areglo ng Manila Water sa Department of Finance kaugnay ng P7.39-B halaga ng utang ng gobyerno nang manalo sa arbitration court sa Singapore at katigan ng Korte sa reklamo nito laban sa pamahalaan sa pagpigil nitong magtaas ng kanilang singil sa tubig.
Samantala, ibinulgar din ng Pangulo na nag-text kay Senator Bong Go si Senator Drillon para klaruhing wala siyang kinalaman sa naging kontrata ng pamahalaan sa mga naturang water concessionaire.
(Rosalie Coz | UNTV News)