Hindi magdedeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng Martial law para solusyunan ang malaking problema ng ilegal na droga sa bansa.
Ito ang tiniyak ng pangulo sa kanyang pagharap sa mga sundalo sa Camp Elias Angeles sa Pili, Camarines Sur kahapon ng hapon.
Anito, kahit pa dawit na rin sa problema sa droga ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan ay hindi niya ito gagawin.
Nanawagan din itong muli sa mga sundalo na huwag pabayaan o bibitiw sa kampanya laban sa droga.
Ikinabahala ng ilang human rights advocates ang posibilidad ng pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng Martial law.
Ito ay matapos ang pahayag ng punong ehekutibo noong nakaraang buwan nang punahin ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang pagsasapubliko ng listahan ng mga umano’y sangkot sa illegal drug trade sa bansa na kinabibilangan ng ilang hukom.
Samantala, itinurn-over naman sa AFP ng pangulo ang kopya ng isang listahan ng mga umano’y mga personalidad na sangkot sa operasyon ng illegal drugs sa bansa.
(Allan Manansala / UNTV Correspondent)
Tags: hindi magdedeklara ng Martial law, Pangulong Duterte, para sugpuin ang problema sa droga