Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga law expert ng United Nations na magtungo sa Pilipinas at harapin siya kaugnay ng kaniyang anti-illegal drug campaign.
Noong nakalipas na linggo, naglabas ng pahayag ang united Nations human rights experts hinggil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga biktima ng extrajudicial killings sa Pilipinas.
Nanawagan ang UN Special Rapporteur on Summary Executions Agnes Callamard sa mga otoridad sa Pilipinas na agad ipatupad ang mga nararapat na hakbang upang mapangalagaan ang lahat ng mamamayan laban sa extrajudicial executions.
Anito, hindi sapat na dahilan ng pamahalaan ang kampanya nito laban sa iligal na droga upang talikuran nito ang international legal obligations na ipatupad ang due process o ang naaayon sa batas.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi dapat isisi sa kaniyang pamahalaan ang extrajudicial killings o ang mga napapatay ng mga sindikato.
Bukod dito, kung tutuusin din aniya, halos magkaparehas lamang ang bilang ng namamatay ngayon at noong nakalipas na administrasyon subalit ang pinagkaiba—mga kriminal ang napapatay ngayon.
Kinuwestiyon din ng pangulo ang mga non-government organization na tumutuligsa sa kaniyang kampanya.
Sa huli, tinuligsa ni Pangulong Duterte ang United Nations dahil sa paglalathala nito ng mga pahayag laban sa kaniyang pamahalaan.
(Rosalie Coz/UNTV Radio)