Pangulong Duterte, hihilingin sa Kongreso na magkaroon ng isang araw na special session para sa Bangsamoro Basic Law

by Radyo La Verdad | November 28, 2017 (Tuesday) | 4971

Tinatayang mahigit sa limang daang libo ang dumalo sa unang Bangsamoro Summit sa Sultan Kudarat, Maguindanao kahapon ng hapon.

Layon ng pagtitipon na matalakay sa publiko ang tungkol sa isinusulong na Bangsamoro Basic Law. Pinangunahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ng Pangulo na hihilingin niya sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pagkakaroon ng isang araw na special session para sa BBL. Ang pagkakaroon ng Bangsamoro entity ang nakikita ni Pangulong Duterte upang matugunan umano ang historical injustice at matapos na ang kaguluhan sa Mindanao.

Tiniyak naman ng Pangulo na ang Bangsamoro Basic Law ay hindi lamang para sa kapakinabangan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF kundi maging ang Moro National Liberation Front at lahat ng mga Lumad. Ikinatuwa naman ng mga Moro leaders ang umano’y patas na commitment ng Pangulo sa Moro people.

Samantala, naniniwala ang mga Moro na kapag ang Bangsamoro Basic Law ay maisabatas na, maaari umanong mapigilan ang mga terrorist acts at extremist groups upang makapag recruit sa kanilang komunidad.

Layunin ng BBL na bumuo ng Bangsamoro region na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Aras na maisabatas ang BBL ay magkakaroon ng plebesito upang mabuo ang haligi ng bagong gobyerno sa Mindanao.

 

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,